-- Advertisements --

Patuloy ang pamamahagi ng relief assistance ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga sinalanta ng bagyong Tino sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay DSWD spokesperson at ASec. Irene Dumlao, kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang food at non-food items at nakahanda aniya silang mag-augment pa sa resources ng kanilang filed offices sa mga rehiyong apektado ng bagyo.

Sa ngayon, wala pang nararanasan na anumang hamon ang DSWD sa isinasagawa nilang disaster response operations dahil sa pag-preposition ng mga relief goods sa iba’t ibang lugar sa bansa gayundin sa geographically isolated and disadvantaged areas bago pa man tumama ang bagyo.

Siniguro rin ng opisyal na ligtas at sapat ang mga food at non-food items na nakapre-position sa mga bodega ng DSWD field offices.

Maliban sa food at non-food items, nagpadala na rin ang DSWD ng mobile kitchen para magbigay ng hot meals sa locally stranded individuals sa Matnog Port sa probinsiya ng Sorsogon.

Sa kasalukuyan, pumalo na sa mahigit 170,000 indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas at Caraga.