VATICAN CITY — Nilinaw ng Vatican nitong Martes na si Hesus lamang ang tagapagligtas ng mundo, at hindi si Birheng Maria, taliwas sa ibinabahagi ng ilang opisyal ng simbahan.
Sa isang bagong kautusan na inaprubahan ni Pope Leo XIV, ipinag-utos ng Dicastery for the Doctrine of the Faith sa 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo na huwag tawaging “co-redeemer” si Maria, o kasamang tagapagligtas ng sangkatauhan.
Ayon sa dokumento, ang paggamit ng titulong co-redemptrix ay hindi angkop at maaaring magdulot ng kalituhan sa pananampalatayang Kristiyano.
Bagamat kinikilala ng Simbahang Katolika ang mahalagang papel ni Maria sa kasaysayan ng kaligtasan, si Hesus lamang ang nagligtas sa mundo mula sa kasalanan at kapahamakan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Matagal nang pinagtatalunan ng mga iskolar ng simbahan kung dapat bang ituring si Maria bilang katuwang ni Hesus sa pagtubos.
Si Pope Francis, na pumanaw noong Abril 2025, ay mariing tumutol sa titulong ito at tinawag pa itong “kalokohan” noong 2019.
Si Pope Benedict XVI ay tutol din, habang si Pope John Paul II ay minsang sumuporta ngunit tumigil sa paggamit ng titulo noong dekada ’90.
Bagamat hindi siya tagapagligtas, binigyang-diin ng Vatican ang natatanging papel ni Maria bilang Ina ni Jesus sa lupa.
Sa kanyang pagsagot ng “Let it be” sa mensahe ng anghel, binuksan niya ang daan para sa pagtubos ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsilang kay Hesus.
Ang bagong kautusan ay bahagi ng Jubilee of Marian Spirituality na ginanap sa Vatican noong Oktubre 12, 2025, kung saan pinangunahan ni Pope Leo XIV ang misa sa St. Peter’s Square.
















