LAOAG CITY – Tinawag ni Atty. Carlos Isagani Zarate, Co-Chairman ng Makabayan Bloc na sunud-sunuran ang mga mambabatas sa Kongreso kasunod ng pagbasura nito sa dalawang impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kanya, ang pagbasura sa mga impeachment complaints ay tila’y nagpapakita na hawak ng Malacañang ang Kamara.
Aniya, hindi sila sang-ayon sa pagbasura sa impeachment complaints ni Marcos dahil naniniwala silang hindi lang “sufficient in form” ang mga reklamo kundi “sufficient in substance” din dahil sinusuportahan nito ang mga alegasyon ng Makabayan Bloc tulad ng betrayal of public trust, ukol sa budget insertions na humantong sa maanomalyang flood control projects at iba pa.
Ipinaliwanag niya na para sa kanila ay sapat na ito at may batayan para ipagpatuloy ang proseso sa pagsusuri ng Committee on Justice sa mga impeachment complaints ni Marcos.
Aniya, ang proseso ng impeachment ay isang political process kung saan ang proseso ay maaaring kontrolin ng sinuman na nasa pulitika.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Zarate na hindi dapat pinatay kaagad ang mga impeachment complaint para mabigyan ng pagkakataon si Marcos na makapagpakita ng mga ebidensya laban sa mga reklamo sa kanya.
Dagdag pa niya, dapat managot ang matataas na opisyal na sangkot sa mga anomalya para masugpo ang tumitinding katiwalian sa bansa.
Una rito, pinagtibay ng plenaryo ang pagbasura sa mga impeachment complaints laban kay Pangulong Marcos matapos ideklara ng House Committee on Justice na “insufficient in substance” ang mga ito kung saan 284 ang pumabor, walo ang tutol at apat ang abstention.
















