-- Advertisements --

Tahasang tinawag na bwitre ni Palace Press Officer Claire Castro si Vice President Sara Duterte kasunod ng pagkwestyon nito kung meron pa bang Pilipinas pagsapit ng 2028.

Natanong kasi ang bise presidente tungkol sa plano nito sa 2028 presidential elections na kanyang sinagot ng tanong rin kung meron pa bang Pilipinas sa 2028 dahil daw sa dami ng problema ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Castro, nananatiling bulag si VP Sara dahil sadyang ayaw nitong makita ang mga ginagawa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang administrasyon.

Pero sabi ng Palace official, hindi naman na ito bago sa bise presidente na kilala sa galawang-Duterte.

 Buwelta pa ni Castro, nagpapanggap si VP Sara na kunwaring nag-aalala sa kalagayan ng bansa pero namang ayaw namang tumulong sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Sa isang panayam kasi, sinabi ng Bise Presidente na hindi niya matiyak ang kanyang plano para sa 2028 dahil aniya’y maaaring wala nang maayos na bansang pag-uusapan sa panahong iyon. 

Binanggit din niya ang umano’y problema sa korapsyon, kakulangan sa malalaking proyekto, at posibilidad ng magulong pamahalaan.

Dagdag pa ni Castro, hindi makatutulong ang ganitong pahayag kung hindi naman umano sinasabayan ng aktibong pakikilahok sa mga programa ng gobyerno.