Inaasahang papalo sa humigit-kumulang 300,000 ang bibisita sa Manila North Cemetery ngayong bisperas ng Undas o Araw ng mga Patay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, inaasahan daw nilang bubuhos ang tao ngayong araw, bunsod na rin ng walang pasok o holiday.
Sa ngayon, tuluy-tuloy ang dating ng mga tao sa sementeryo upang hindi na makipagsabayan at makipagsiksikan sa inaasahang dagsa ng mga bibisita bukas hanggang Linggo.
Samantala, mahigpit ding mino-monitor ni Director Tan ang sitwasyon sa loob at labas ng sementeryo upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga bumibisita sa kanilang mga yumaong kamag-anak.
Mayroong 64 CCTV cameras sa paligid ng Manila North Cemetery at magpapalipad din ng mga drone ngayong araw para sa kaligtasan ng publiko.
Nakahanda na rin ang mga e-trike na magbibigay ng libreng sakay, na prayoridad ang mga senior citizens, persons with disabilities, mga buntis, at mga may kasamang bata.
Samantala, sa entrada ng sementeryo kung saan nakahiwalay ang lane para sa mga babae, lalaki, at persons with disabilities, marami na ring nakumpiskang gamit gaya ng pintura, walis, at iba pang bagay na madaling masunog o maaaring magdulot ng sunog.
Kaya naman paalala ni Director Tan sa publiko, “Sana hangga’t maluwag pa pumunta na po tayo. Huwag na nilang antayin na sila pa yung dalawin ng mga mahal nila sa buhay sa kanilang mga bahay.”
“Saka yung palaghi po naming prbolema magdala po tayo ng garbage bag na para yung basura po natin iuwi po natin,” dagdag ni Tan.
 
		 
			 
        















