-- Advertisements --

Naka-deploy na ang halos nasa 5,308 frontline personnel mula sa 16 na distrito ng Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng kanilang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025 ngayong Biyernes, Oktubre 31, 2025.

Ayon sa PCG, mayroong 23,320 outbound passengers at 17,388 inbound passengers sa lahat ng pantalan sa bansa.

Upang matiyak naman ang ligtas at maayos na biyahe, nagsagawa na rin ang mga ito ng inspeksyon sa 353 na mga barko at 34 motor boat.

Bukod dito naka heightened alert narin ang lahat ng istasyon, at sub-station ng PCG mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga pasahero para sa Araw ng mga Santo (Nov. 1) at Araw ng mga Patay (Nov. 2).

Para naman sa mga may tanong o paglilinaw tungkol sa sea travel protocols, maaaring makipag-ugnayan sa PCG sa kanilang opisyal na social media accounts o sa Coast Guard Public Affairs Services.