-- Advertisements --

Hindi naitago ng US maritime expert ang pagkadismaya sa inaabot na batikos ng Philippine Coast Guard (PCG) na kaniyang itinuturing na pinakamatapang na hanay ng coast guard sa daigdig.

Si Ray Powell, Executive Director ng SeaLight Foundation, ay nagpahayag ng matinding pagkabahala sa mga akusasyong ibinabato ng ilang politiko laban sa Philippine Coast Guard.

Una rito, sinabi ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na dapat nang buwagin ang PCG dahil sa lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea.

Tinawag naman ni Powell na“shameful slander” ang mga paratang na nagsasabing ang PCG ay naglilingkod sa banyagang interes.

Ayon US maritime expert, walang ibang coast guard sa mundo ang regular na humaharap sa aggression mula sa pinakamalaking paramilitary maritime force ng China.

Sa kabila ng panganib, nananatiling kalmado at propesyonal ang PCG habang isinusulong ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin niya na ang PCG ay hindi lamang tagapagtanggol ng teritoryo kundi tagapangalaga rin ng kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

Sa paningin ng eksperto, ang PCG ay huwaran ng katapangan, disiplina, at integridad na dapat ipagmalaki ng bawat Pilipino.