Pinaigting ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang hotline number para sa pagdagsa ng milyong Pilipino sa paggunita ng Araw ng mga Santo (Nov. 1) at Araw ng mga Patay (Nov. 2).
Iniutos ng LTFRB sa lahat ng regional directors nito na agad tugunan ang mga reklamo at concern ng mga commuters.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, mahalagang maging mabilis ang aksyon ng ahensya sa mga reklamo dahil kadalasan aniya ay may kinalaman ito sa kaligtasan sa kalsada at disiplina ng mga driver.
Bilang halimbawa aniya rito ang kaagad na pagtugon sa reklamo laban sa isang bus company at driver na umano’y tumanggi sa pananagutan matapos masagasaan ang isa pang sasakyan sa Quezon City.
Binanggit pa ng opisyal na babaguhin nila ang lumang sistema nmg ahensya kung saan matagal o hindi naaaksyunan ang mga reklamo ng ordinaryong commuters.
 
		 
			 
        















