-- Advertisements --

Sa halip na makipagsiksikan sa mismong Araw ng mga Patay, pinili ng ilang pamilya na bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong Oktubre 30 dito sa Manila North Cemetery.

Pasado ala-una ng hapon, nadatnan ng Bombo Radyo team ang Pamilyang Bayani na maagang bumisita sa puntod ng kanilang yumaong kamag-anak.

Ayon kay Lerwin Bayani, hindi na sila makikipagsabayan pa sa dagsa ng mga tao sa Nobyembre 1 at 2.

Bukod daw kasi na day off niya ngayon, kinonsidera rin nila ang mga batang kasama, dahilan kaya mas maaga silang bumisita sa sementeryo.

Hindi rin ito umano ang kanilang nakagawian. Noong mga nagdaang taon, tuwing Todos los Santos talaga sila bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ganito rin ang Pamilyang Mangalili — ang pag-iwas sa maraming tao ang dahilan kaya mas maaga rin silang nagpunta sa sementeryo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Caridad Mangalili, sinabi niyang nalulugod siya dahil bukod sa mabibisita nila ang puntod ng kanilang mahal sa buhay, pagkakataon din daw ito para sa bonding ng pamilya.

Inaasahang papalo sa humigit-kumulang 2 milyon ang mga bibisita sa Manila North Cemetery ngayong weekend para sa paggunita ng Undas 2025.

Mayroong 64 CCTV cameras sementeryo at magpapalipad din ng mga drone simula bukas, Oktubre 31 para sa seguridad ng publiko.

Sa ngayon, bagama’t pansamantala lamang ang pag-ulan, may ilang mga bisita na hindi nagpatinag at siniguro pa rin na maagang madalaw ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.