Hinigpitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtugon sa mga reklamo para sa Undas ngayong taon.
Ito ay para matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay kasabay ng pagtungo ng milyun-milyong mga Pilipino sa mga probinsiya para dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa mga sementeryo.
Paliwanag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II na dapat na umanong iwaksi ang lumang sistema kung saan matagal bago maresolba o di naman kaya ay hindi naaksyunan ang reklamo.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng LTFRB chief sa lahat ng regional offices na agad aksyunan ang mga ulat at mga sumbong partikular ang mga ipinapaabot sa pamamagitan ng hotline ng ahensiya, na inilatag para pangasiwaan ang inaasahang dami ng mga daing ng publiko.
Saad pa ng LTFRB official na kaniyang personal na susubaybayan ang response rate sa lahat ng regional offices para masigurong agad maresolba ang mga reklamo na ipapadala sa hotline at iba pang platforms.
Hinimok din niya ang publiko na iulat sa ahensiya ang mga abusadong drayber ng mga pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng hotline: 0956-761-0739.
 
		 
			 
        















