Ipinaliwanag ng isang eksperto sa batas na legal ang hinihinging restitution o pagbabalik ng nakaw na yaman mula sa mga aplikante ng Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines, malinaw sa batas at sa Implementing Rules and Regulations ng WPP na maaaring magtakda ang gobyerno ng mga kondisyon, kabilang na ang pagbabalik ng anumang ari-ariang hindi pag-aari ng aplikante.
Giit ni Cayosa, ito ay hindi lamang “common sense” kundi isang “settled legal principle” sa batas.
Ang pahayag ng law expert ay kasunod ng pagpuna ni Senador Rodante Marcoleta sa Department of Justice, kaugnay ng umano’y pagpilit sa mga kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya na isauli muna ang nakulimbat na iligal na yaman bago matanggap sa programa.
Nanindigan naman ang DOJ na naaayon ito sa Witness Protection, Security and Benefit Act, na nagsasaad na dapat munang tuparin ng aplikante ang lahat ng legal na obligasyon at civil judgment bago mabigyan ng proteksyon.
















