Nilawakan pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga isinasagawa nitong imbestigasyon sa mas maraming lugar.
Ayon kay NBI Acting Director Atty. Angelito Magno, saklaw ng imbestigasyon ng naturang opisina ang mga peke, substandard, at maging ang mga walang naipatayong proyekto sa kabila ng nailabas na pondo.
Paliwanag ni Magno, unang tinutukan ng ahensiya ang mga proyekto sa Bulacan ngunit sa ngayon ay tinutungo na rin nito ang iba pang mga lugar na may natunton na maanomalyang proyekto.
Bagaman hindi na tinukoy ng opisyal ang mga naturang lugar, siniguro nitong iniipon na ng mga local office nito ang lahat ng natutunton na ebidensiya.
Ayon pa kay Magno, sarili itong inisyatiba ng NBI, at walang kautusan ang Department of Justice, ang mother agency ng investigating body. Ngunit nananatiling bukas ang NBI aniya na makipagtulungan sa ahensiya, kasabay ng nagpapatuloy din nitong imbestigasyon.
Tiniyak din ng NBI chief ang mas malalim na pagsusuri sa lahat ng mga natuntunton na maanomalyang proyekto, at paghahabol sa mga responsable sa mga ito.
Kung babalikan, bago ang naging pag-upo ni Atty. Magno ay inatasan na ni dating NBI Director Jaime Santiago ang mga regional office ng ahensiya na mangalap ng mga impormasyon ukol sa mga napaulat na flood control scandal sa kani-kanilang mga area of responsibility.
















