-- Advertisements --

Sinampahan ng Office the Ombudsman ng kasong malversation at graft sina dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr at anim na ibang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st District Engineering Office.

May kaugnayan ito sa P92.8 milyon na ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang mga indibidwal ay kinabibilangan nina : Assistant District Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, Juanito Mendoza, at Christina Pineda.

Dagdag pa nito na nagsabwatan ang nasabing mga opisyal para mailabas ang nasa P76 milyon na para sana sa pagtatayo ng flood control projec tsa Purok V, Barangay Bonsuran, Pandi, Bulacan kung saan matapos ang ginawang inspeksyon ay hindi naman pala ito naisakatuparan.

Naghain din ang Ombudsman ng agarang mosyon para sa special raffle ng kaso at para mailabas ang warrant of arrest at hold departure order laban sa mga akusado.

Nagbunsod ang kaso mula sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation-Bulacan South District Office (NBI-BSDO) matapos ang kanilang imbestigasyon sa project na ini-award mula pa noong Marso 28, 2025.

Idinawit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si Revilla kung saan nag-deliver siya ng P125-M sa bahay ni Revilla noong 2024 at dagdag na P250-M na naideliver sa kaniyang staff bago ang 2025 election.

Una ng pinabulaanan ni Revilla ang nasabing alegasyon kung saan lalabas din ang katotohanan.
Magugunitang na-acquit ang dating senador sa kasong plunder na may kinalaman sa hindi tamang paggamit ng kaniyang Priority Development Asisstance Fund (PDAF) noong 2018.