-- Advertisements --

Tinawag ni Senator Rodante Marcoleta si Orly Guteza bilang “most credible witness” na inilantad ng Senate Blue Ribbon Committee na kaniyang dating pinamunuan dahil siya lamang ang tumukoy at nagkonekta kina dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kaniyang speech sa INC rally sa Quirino Grandstand nitong Linggo, pinasaringan ni Marcoleta ang mga nag-akusa kay Guteza na peke ang notaryo sa kaniyang testimoniya sa Senado. Aniya, ginagamit itong dahilan upang ilihis ang tunay na tinutumbok ng testimoniya ni Guteza.

Muli ding dinipensahan ng Senador ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya na aniya’y nagkusang pangalanan ang nasa likod ng maanomaliyang public infrastructure projects na naglagay sa kanilang kaligtasan at pamilya sa panganib.

Subalit, tinangka umano ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pigilang maisama ang mga Discaya sa Witness Protection Program (WPP) sa pamamagitan ng pag-demand sa kanila na isauli ang mga ninakaw na pera. Subalit giit ng Senador na hindi nila kailangang mag-comply sa naturang requirement sa proseso pa lang ng aplikasyon para mapasama sa programa dahil hindi ito nakasaad sa batas.

Isa aniya itong paraan para hindi maipatupad ang transparency.

Binanatan din ni Marcoleta ang mga nagsasabing artificial intelligence (AI) lang ang video na inilabas ni Co. Hirit ni Marcoleta, papaanong magiging AI ang video gayong lumabas ito sa official page ng dating mambabatas. Aniya, “sasagkain nanaman ang transparency para hindi maipipilit ang pananagutan.”

Gayundin, binatikos ni Marcoleta ang pagpataw ng Ombudsman ng hindi angkop na requirements gaya ng pagpapauwi kay Co para panumpaan ang kaniyang mga video statement kung saan isiniwalat niyang ipinag-utos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsingit ng P100 bilyong halaga sa 2025 national budget.

Saad ni Marcoleta, sa charter ng Ombudsman, maaaring maghain ng reklamo sa anumang paraan, kahit na hindi nagpapakilala.

Binatikos din ni Marcoleta ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa hindi pagsasapubliko sa kanilang mga pagdinig.

Tinawag din ng Senador ang umano’y P1 trilyong pondo na nakulimbat sa kaban ng bayan bilang posibleng pinakamalaking pagnanakaw sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kayat kailangan aniya talaga ang transparency at accountability para malantad ang mga utak ng korapsiyon dahil kung hindi sila mapapanagot hindi kailanman magkakaroon ng hustisiya sa ating bansa.