Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang kumakalat na mga post sa social media na makakatanggap ang lahat ng mga estudyante ng P1,000 na buwanang allowance na ipapamahagi umano simula ngayong Hulyo.
Gayundin itinanggi ng ahensiya ang isa pang post na nagsasabing imamandato ang lingguhang alcoholic test para sa lahat ng Junior at Senior High school student.
Sa inilabas na advisory ng DepEd, sinabi ng ahensiya na ang mga naturang post ay fake news at muling pinaalalahanan ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga impormasyong naka-post online at labanan ang fake news at misinformation.
Pinayuhan din ng DepEd ang publiko na sumangguni lamang sa opisyal na social media accounts ng ahensiya para sa lehitimong mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa basic education.
Ang pagkalat naman ng maling impormasyon ay isang linggo matapos ihain ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang House Bill 27 na naglalayong magbigay ng P1,000 na buwanang allowance para masaklaw ang mga gastusin ng mga estudyante sa pagkain, transportasyon at kanilang mga kagamitan sa eskwelahan.