-- Advertisements --

Nakansela ang nakatakda sanang oral arguments ng Korte Suprema ngayong araw kaugnay sa usapin at isyu ng Maharlika Investment Fund o MIF.

Sa ibinahaging mensahe ng kataastaasang hukuman, kanilang sinabi na hindi matutuloy ngayong araw ng Martes ang pagdinig sa petisyon kontra Maharlika Investment Fund.

Kung saan naka-iskedyul ito noon pang Abril ng kasalukuyang taon at na-reschedule ngayong buwan ng Hulyo ngunit ito’y nakansela pang muli.

Maalala na inihain nina dating senador Koko Pimentel, Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares at iba pa ang petisyon upang kwestyunin ang legalidad ng Maharlika Investment Fund.

Nais din nilang magkaroon ng kaliwanagan kung naaayon nga ba sa Saligang Batas ang Republic Act No. 11954 o ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023.

Kasama sa inihaing petisyon ang kahilingan na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o TRO at writ of preliminary injunction.

Sa kasalukuyan, base sa mensaheng ipinadala ng Korte Suprema, wala pang nababanggit na karagdagang detalye kung kailan ang susunod na itatakdang skedyul para dito.