Agad inaksiyunan ng Supreme Court ang petisyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal para kuwestiyunin ang ligalidad ng pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sa isang pahinang press briefer na inilabas ng kataas-taasang hukuman, isasagawa ang oral argument sa Biyernes dakong alas-3:00 ng hapon.
Tatalakayin sa oral argument ang Petition for Certiorari and Prohibition na mayroong Extremely Urgent Prayer for the Issuance of Temporary Restraining Order and/or Writ of Preliminary Mandatory Injunction na inihain lamang kahapon ni Atty. Macalintal laban sa Commission on Elections (Comelec) at Office of the President.
Inatasan naman ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng komento sa petisyon hanggang alas-12:00 ng tanghali sa Biyernes sa pamamagitan ng personal service.
Mahigpit din ang direktiba ng kataas-taasang hukuman na ang mga notices ay kailangang maisilbi sa mga partido sa pamamagitan din ng personal service.
Kahapon nang sabihin ni Macalintal na kumpiyansa itong papanigan ng Korte Suprema ang kanyang petisyon dahil malakas naman ang ebidensiya na kanyang inihain para ipanawagan na maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) para ipahinto ang batas na nagpapaliban sa halalan.
Iginiit ng abogadong ang Commission on Elections lamang ang may kapangyarihang magpaliban ng halalan base na rin sa Section 5 ng Omnibus Election Code hindi ang Senado o Kongreso.
Paliwanag pa ni Macalintal na sa pamamagitan ng Saligang Batas ay nabigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na itakda ang panahon ng panunungkulan ng mga barangay officials pero sa sandaling maitakda na ito ay hindi na nila ito puwedeng palawigin.
Ang kinuwestiyon lamang daw ni Macalintal ay ang pagpapaliban sa barangay election at hindi kasama ang Sangguniang Kabataan.
Sa panig naman ng Commission on Elections (Comelec) sinabi ni Chairman Erwin Geoge Garcia na magandang hakbang ang ginawa ni Macalintal dahil panahon na para magkaroon ng interpretasyon sa ating Saligang Batas ang kapangyarihan ng kongreso na magpaliban ng halalan.
Sakaling magkaroon ng desisyon dito ang Korte Suprema ay magkakaroon na ng jurisprudence o basehan sakaling magkaroon muli ng planong pagpapaliban sa halalan.