Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagtutok sa kaso ng mga nawawalang sabungero, kasabay ng kaniyang pag-upo bilang pinuno ng pulisya.
Ayon kay Nartatez, isa ito sa mga ‘pressing task’ na kaniyang haharapin.
Mahalaga aniyang mabantayan ang pag-usad ng naturang kaso, lalo ngayon ay may nabuo na ring reklamo laban sa mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero, sa inisyatiba ng Department of Justice.
Ipag-uutos din umano ng heneral sa mga akmang police unit ang mahigpit na koordinasyon sa DOJ, testigo, at iba pang maaaring makapagbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa naturang isyu.
Sa kasalukuyan, mayroon aniyang police unit na nakatutok sa naturang kaso, pangunahin ang Criminal Investigation and Detection Group, at ang mga ito ang mahigpit na sumusubaybay sa kaso.
Sa maikling termino ni PGen. Nicholas Torre III bilang Chief PNP, nagawa ng pulisya na makuhanan ng testimonya ang mga magkakapatid na Patidongan, ang mga itinuturing na may pangunahing kaalaman sa pagkawala ng mga sabungero.
Pinangunahan din ng PNP Forensic Group (FG) ang pagsusuri sa mga pinaniniwalaang labi na narecover sa Taal Lake, kasunod ng serye ng diving operations sa naturang lawa.