Binigyang linaw ng Department of Justice na wala pa itong natatanggap na extradition request mula sa Estados Unidos para kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa ipinadalang mensahe ni Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, nagkaroon ng koordinasyon sa pagitan nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Kanyang ibinahagi na ipinagbigay alam dito ni DFA Sec. Lazaro kay Justice Sec. Remulla na hindi pa rin natatanggap ng kagawaran ang kahilingan ng United States na ma-extradite ang naturang pastor.
“The SOJ coordinated with SFA and was informed that DFA has yet to receive the request,” ani Spokesperson Mico Clavano ng Department of Justice.
“DFA is supposed to receive such requests first before transmitting it to the DOJ,’ dagdag pa ni ASec. Clavano ng DOJ.
Ngunit maaalalang naunang kinumpirma na ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez kahapon na nakapagpadala na umano ng ‘formal request’ ang Amerika.
Aniya’y ito ay noon pang buwan ng Hunyo kung saan nais at hiling ang extradition kay Pastor Apollo Quiboloy, isang televangelist.
Sa kasalukuyan, si Pastor Quiboloy ay ‘wanted’ sa US dahil sa ilang kasong may kinalaman sa child sex trafficking, fraud at iba pa.