-- Advertisements --

Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may 12 hanggang 15 Kongresista ang haharap sa kaso sa Sandiganbayan matapos masangkot sa umano’y anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Ayon kay Remulla, kabilang ang mga ito sa 67 “congtractors” o mga kongresistang nagsilbi ring kontratista — isang paglabag sa batas na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng pinansyal na interes sa mga kontrata ng gobyerno, batay sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sinabi ng Ombudsman na ang mga nabanggit na mambabatas ay itinuturing na “low-lying fruits” o mga kasong madaling patunayan, at inaasahang maisasampa na ang unang batch ng mga kaso sa Sandiganbayan bago mag-Nobyembre ng taong ito.

Nabatid na nagsimula ang imbestigasyon sa umano’y flood control project anomalies sa Bulacan matapos maghain ng reklamo si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon noong Setyembre 11 laban sa 20 opisyal ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office at limang pribadong kontratista.

Kabilang din sa iniimbestigahan ng Ombudsman ang posibleng pagkakasangkot ni Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana sa mga umano’y budget insertion para sa flood control projects, kung saan ang kanyang asawa ay nakakuha umano ng ilang kontrata.

Ayon kay Remulla, mabilis ang magiging takbo ng imbestigasyon dahil mayroon nang input mula sa COA at Independent Commission for Infrastructure.

Nakatakda rin siyang makipagpulong kay Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg upang pag-usapan ang pagbuo ng espesyal na dibisyon na hahawak sa mga kaso.