Binatikos ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang ‘maling impormasyon’ na ipinapakalat ni Philippine Ambassador to the United Kingdom Teodoro Locsin Jr. ukol sa umano’y pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ng bagong Ombudsman, hindi dinukot ang dating pangulo at wala ring naganap na paglabag sa proseso ng batas noong ipinadala siya sa Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity.
Kung babalikan ang kontrobersyal na pahayag ni Ambassador Locsin, nakasaad dito na hindi inaresto ng International Criminal Court (ICC) ang dating pangulo at sa halip ay dinukot siya ng mga Pilipino dito sa Pilipinas at tuluyang ipinasakamay sa mga dayuhan.
Tinukoy din ito ng dating Duterte appointee bilang pagtataksil sa bansa.
Gayonpaman, nanindigan si Ombudsman Remulla na walang nangyaring pangingidnap o iligal na paghuli.
Sa katunayan aniya, nasunod ang lahat ng legal procedures noong inaresto ang dating pangulo hanggang sa tuluyan siyang ipinadala sa The Hague.
Taong 2018 noong italaga ni dating Pang. Duterte si Locsin bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs. Pinalitan niya sa dating Sec. Alan Peter Cayetano na noo’y bumaba sa pwesto upang tumakbong kongresista.