Inihayag ng Embahada ng Pilipinas sa Denmark na walang dapat na ikaalarma sa ngayon sa gitna ng banta ng posibleng pag-takeover ng Amerika sa Greenland.
Sa inisyung advisory ng embahada, inabisuhan nito ang mga Pilipino na manatiling listo sa gitna ng mga protesta ng mga mamamayan doon bilang pagtutol sa plano ng Amerika na kontrolin ang Greenland, na teritoryo ng Denmark na kilala sa yamang mineral nito.
Ayon sa Embahada, maigting nilang minomonitor ang kamakailang developments doon katuwang ang mga Danish at Greenland authorities.
Nakahanda rin ang Philippine Embassy na magbigay ng tulong sakaling kailanganin.
Muling nagpaalala naman ang Embahada sa mga Pilipino sa Greenland na manatiling kalmado, maging mapagmatiyag sa kanilang paligid at sumangguni ng mga impormayson mula sa opisyal at mapagkakatiwalaang resources.
Inabisuhan din ang mga Pilipino na sumunod sa inilalabas na local advisories sa kanilang lugar.
Kasalukuyan naman ina-update ng Embahada ang directory ng mga Pilipino sa Greenland para matiyak na agad na makontak ang mga ito.
















