-- Advertisements --

Pinaniniwalaang nasa Davao si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Ito ay sa gitna ng hindi pagpapakita sa publiko ni Dela Rosa at hindi pagdalo sa mga sesyon at pagdinig sa Senado kasunod ng mga ulat na umano’y arrest warrant laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).

Subalit, ipinunto ni Sec. Remulla na hindi pa makagawa ng aksiyon ang DILG dahil wala pa itong natatanggap na pormal na kopiya ng umano’y arrest order mula sa international tribunal.

Binanggit din ni Remulla na hindi nauwi ang Senador sa kaniyang bahay sa Cavite kung saan ay magkapitbahay lamang umano sila kayat ayon sa kalihim maaaring nasa Davao si Dela Rosa kasama ang kaniyang pamilya.

Nauna naman ng nanindigan ang abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na walang legal na batayan ang gobyerno para isuko ang sinumang mamamayan nito sa ICC dahil sa kawalan ng rules para maisagawa ang proseso sa kadahilanang tumiwalag na ang bansa mula sa Rome Statute sa ilalim noon ng administrasyong Duterte.