Target ng ilang House of Representatives leaders na repasuhin ang impeachment rules upang makabalangkas ng mas mabigat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sakali mang may ihain muli sa kapulungan.
Ito ay habang inaantay ng Mababang Kapulungan ang desisyon sa motion for reconsideration nito na humahamon sa pasya ng korte sa impeachment case laban sa Bise Presidente.
Ayon kay House committee on higher and technical education chair at Tingog Rep. Jude Acidre, ia-adopt ng kapulungan ang bagong impeachment rules para sa 20th Congress alinsunod sa ruling ng kataas-taasang hukuman para matiyak na mahigpit na sumusunod sa proseso at nabuo nang may malinaw na guidelines.
Binigyang diin naman ni House committee on suffrage and electoral reforms chair at Lanao del Sur Representative Zia Adiong na ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa impeachment ay nakapokus sa technicality at hindi sa merito ng kaso na kanilang inihain.
Sa ngayon, ayon kay Rep. Acidre, inaantay pa nila ang aksiyon ng Korte Suprema sa kanilang motion for reconsideration sa impeachment complaint laban sa Ikalawang Pangulo. Sakali man aniya na bigyan ng tamang proseso ang kanilang mosyon, inaasahan nilang sisimulan ang proseso kung saan ito natapos.
Matatandaan, nauna ng idineklara ng Korte Suprema noong Hulyo 25, 2025 ang articles of impeachment bilang unconstitional dahil sa paglabag sa one-year rule at sa paglabag sa karapatan para sa due process.
Ilan sa mga naging basehan sa pag-impeach ng Kamara sa Bise Presidente ay ang misuse ng confidential funds, pagbabanta laban sa kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang posibleng paglabag sa konstitusyon.
















