Umabot na sa siyam na pulis ang isinakustudiya ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Naaresto ang mga ito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte, kasabay ng warrant laban sa itinuturong utak ng pagkawala ng mga sabungero na si Charlie ”Atong” Ang.
Kabilang sa mga kinakaharap nilang kaso ay kidnapping with homicide at erious illegal detention.
Lahat ng mga pulis ay dinala sa PNP-CIDG National Capital Region Field Unit
Ayon sa PNP, inaasahang mas marami pang pulis ang maaaresto sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, kasama na ang pagkakatukoy sa ibang itinuturong kasangkot sa naturang krimen.
Kung babalikan ang naunang testimoniya ng itinuturing na whistleblower sa kaso na si Julie Patidongan, tinukoy niya ang ilang mga pulis na umano’y kasabwat sa pagkawala ng mga sabungero, kabilang na ang ilang matataas na opsiyal tulad ng isang heneral.
Ang testimoniya ni Patidongan, kinalaunan, ay ginamit ding basehan sa ginawang pagsisid sa Taal Lake kung saan hinihinalang itinapon ang mga labi ng mga nawawalang sabungero.















