-- Advertisements --

Nagkasa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman ukol sa natuklasang panloloko sa mga ‘Information Technology Systems projects’ sa bansa. 

Isiniwalat mismo ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano ang tinaguriang ‘ghost internet scheme’ na nadiskubre ng tanodbayan. 

Ito aniya’y mga proyektong pinondohan ng bilyun-bilyong piso halaga para sa ‘IT Systems’ na kinakailangan ng mga ahensiya ng gobyerno. 

Bagama’t dumadaan sa pagsusuri ang mga ‘hardwares’ tulad ng ‘routers’ at makina, hindi umano kabilang dito ang pag-inspeksyon sa kalakip na ‘softwares’. 

Dito na aniya papasok ang ‘loophole’ kung saan may pagkakataon na ang kontraktor na gumamit na lamang ng mas mura, outdated, at pekeng softwares nang sinisingil pa rin ng buo ang gobyerno. 

Gayunpaman, iniimbestigahan na ito ng Ombudsman lalo pa’t nakakalusot umano ang ‘overpricing’ na ‘softwares’ sa kadahilanang hindi nababantayan. 

Ayon kay Ombudsman Spokesperson Clavano, ang Department of Information and Communications Technology ang siyang magiging sentro ng kanilang imbestigasyon. 

Layon aniya ditong masagot ang ilang katanungan katulad ng kung gumagana ba ang ‘ininstall’ na mga koneksyon alinsunod sa kontrata. 

Katanggap-tanggap o ‘reasonable’ ba ang presyo ng ginamit na ‘softwares’ at ‘hardwares’ sa mga proyekto at hindi sobrang mahal o ‘overpriced’ 

Panghuli’y nais din malaman ng Office of the Ombudsman kung sino ang nag-apruba, nagsertipika at nagpahintulot na mabayaran ang mga proyekto gayon hindi naman nai-deliver o naipatupad. 

Sa kasalukuyan, ‘no comment’ muna ang Department of Information and Communications Technology patungkol sa kinasasangkutan isyu. 

Habang hindi na idinetalye pa ni AO Clavano ang partikular na mga proyekto sapagkat aniya’y nasa ilalim na ito ng ‘fact-finding stage’.