-- Advertisements --

Nakiusap ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa lahat ng nasa likod ng pagkalat ng ‘fake news’ na ito’y tigilan na.

Ayon kay Secretary Henry Rhoel Aguda, nakikiusap siya sa mga pasimuno o nagpapatakbo ng ‘troll’ na huwag ng sumabay sa problemang kinakaharap ng bansa.

Aniya’y mas gugustuhin nila bilang bahagi ng gobyerno na makapag-isip ng mga paraan para tulungan ang mga kababayan apektado ng krisis kaysa pagtuunan ng pansin ang mga trolls online.

Giit ng kalihim na maraming oras ang nasasayang sa paggugol o pagtutok lamang nila sa mga ganitong uri ng gawain na pagpapakalat ng maling impormasyon.

Gayunpaman ipinabatid niya sa publiko na mayroon paraan para maberipika kung anong ‘account’ sa social media ay totoo at mapagkakatiwalaan.

Pagka-wala aniyang ‘blue mark’ o ‘trust mark’ ay huwag ng pakinggan sapagkat posibleng ito’y fake news lamang.

Habang pasaring ng kalihim na ang patuloy na pagpapakalat ng impormasyon ay hindi naayon sa panahon ngayon lalo pa’t nahaharap ang bansa sa krisis sa gasolina.

Sa makaraan panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Vladimir Echalas, Research Director ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, payo niya na makinig o pumunta sa lamang sa mga mapagkakatiwalaang ‘source’ ng balita at impormasyon.