Binibigyan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ng kaukulang tulong ang inang overseas Filipino workers (OFW) na nanganak subalit binawian ng buhay kalaunan habang sakay ng isang South Korean passenger plane mula Pilipinas patungong Incheon noong Linggo.
Kinumpirma naman ng DMW ang malungkot na insidente kung saan base sa PH Embassy sa Seoul isang in-flight miscarriage ang dahilan ng pagkasawi ng bagong silang na sanggol.
Ayon sa ahensiya, dinala ng rescue team ang OFW sa INHA University hospital sa Incheon subalit hindi na tumitibok ang puso ng bata at sa kasamaang palad ay nasawi.
Nasa maayos na kalagayan naman ang ina at binibigyan ng tulong sa kaniyang medical bills at iba pang pangangailangan.
Tutulong din ang ahensiya sa autopsy ng sanggol at repatriation ng kaniyang labi.
Una rito, bumiyahe ang OFW na nasa 30s kasama ang kaniyang asawa, mother-in-law at anak na babae mula sa Clark International Airport.
Base sa report, nakatanggap ang Emergency services ng ulat na kaugnay sa ipinanganak na sanggol habang nasa eroplano umaga ng Linggo na hindi na humihinga. Binawian ng buhay ang sanggol nang dalhin ito sa malapit na ospital.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad sa South Korea na iniimbestigahan nila ang pagkamatay ng isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon sakay ng isang flight ng Jeju Air mula Pilipinas patungong Incheon.