-- Advertisements --

Nakabalik na sa bansa ang 35 overseas Filipino workers (OFWs) mula Cambodia noong Martes, Disyembre 31, bilang bahagi ng patuloy na inter-agency efforts ng pamahalaan.

Dumating ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa tatlong magkakahiwalay na batch. Ang unang batch, ay binubuo ng walong (8) biktima ng human trafficking. Ang ikalawang batch, ay may walong (8) trafficking victims rin.

Habang ang ikatlong batch ay binubuo naman ng labing-walong (18) biktima ng human trafficking at isang (1) OFW na pinalaya matapos magsilbi ng sentensiya kaugnay ng kasong money laundering. Sila ay dumating mula sa Phnom Penh, Cambodia.

Kasabay nito agad namang nagbigay ng agarang tulong-pinansyal ang DMW para sa mga apektadong OFWs.

Ayon sa DMW, naging posible ang ligtas na repatriation sa pamamagitan ng koordinasyon ng Philippine Embassy sa Phnom Penh at ng Migrant Workers Offices (MWO) sa Singapore at Thailand.

Muling nagpaalala ang DMW sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga mapanlinlang na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa, lalo na ‘yung mga kumakalat sa social media. Hinikayat ang mga jobseeker na tiyaking lehitimo at rehistrado sa DMW ang mga overseas employment opportunity bago tanggapin ang anumang trabaho.