KALIBO, Aklan—Mas pang palalakasin ng Office of Civil Defense ang pagsasagawa ng earthquake drills sa mga tanggapan ng pamahalaan, paaralan at maging sa mga pribadong kumpanya upang maging handa ang lahat sakaling tumama ang hindi inaasahang malakas na lindol.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Raul Fernandez, regional director ng OCD region VI, ang kaalaman aniya na makukuha sa earthquake drills ay malaking tulong sa mga ito upang maiwasan na magpanic sakaling maranasan ang lindol.
Dagdag pa ni Fernand na nagpalabas sila ng memorandum na ang lahat ng gusali ay gawan ng structural integrity assessment kung saan, yong pwede pang iretrofitting ay gawin kaagad para sa kaligtasan ng mga occupants.
Maliban dito, hinihikayat nila ang mga local government units (LGU’s) sa Western Visayas na sundin ang national building code sa mga nagpapatayo ng gusali at gawing mas matibay laban sa lindol.
Sa kasalukuyan aniya ay patuloy nilang kino-consolidate ang assessment result mula sa iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan kasunod sa nangyaring magnitude 5.8 na lindol, madaling araw ng Lunes, Oktobre 13 na ang epicenter ay nasa Bogo, Cebu ngunit naramdaman sa mga karatig na lalawigan partikular sa Iloilo at Aklan.
Aniya, nakitaan ng hairline cracks ang ilang gusali sa lalawigan ng Iloilo batay sa pagsusuri ng kinauukulang structural engineers.