Pinakilos na ng Office of the Civil Defense (OCD) ang resources at partners nito bilang paghahanda sakaling mabuo bilang bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng bansa.
Bagamat kasalukuyang nasa karagatan ang namumuong sama ng panahon, maaari pa ring magdala ito ng mabibigat na pag-ulan at localized flooding o pagbaha partikular na sa Northern Luzon.
Kayat alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palakasin ang national disaster preparedness, nag-convene ang ahensiya ng isang Virtual Emergency Operations Center meeting ngayong Huwebes, July 3 para i-assess ang nagbabagong lagay ng panahon at ihanay ang mga response efforts.
Kaugnay nito, pinaghahanda na ang lahat ng kaugnay na ahensiya ng gobyerno at uniformed services sa posibleng epekto rin ng tropical storm mun na namataan sa silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Itinaas na din ng OCD ang alert status sa Blue alert para matiyak ang mas mahigpit na koordinasyon at karagdagang uniformed personnel na naka-duty para rumesponde sa anumang sitwasyon.
Patuloy din ang 24/7 monitoring ng ahensiya sa weather system sa pakikipagtulungan sa state weather bureau.
Pinakilos na rin ng mga ahensiya ng gobyerno at local units ang kanilang resources, in-activate ang kanilang response plans at nag-isyu na ng mga advisory.
Kaugnay nito, hinihikayat ang publiko na manatiling alerto at imonitor ang official channels para sa updates at advisories para sa mga kaukulang pagiingat lalo na sa mga madalas bahain at mababang lugar sa Northern Luzon.