-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko sa posibleng pag-agos ng pyroclastic density current (PDC) mula sa bulkang Mayon kasunod ng pagguho ng lava dome sa naturang bulkan.

Sa Volcano Alert na inilabas ng OCD kaninang ala-1 ng hapon (Jan. 15), ibinabala nito ang banta ng pagdaloy ng iba’t-ibang volcanic materials at mga serye ng rockfall matapos maitala ang pagguho ng lava dome dakong alas-12:52 ng hapon.

Sa kasalukuyan, wala pang karagdagang report na inilalabas ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ukol sa panibagong pagguho, lalo na sa lawak ng epekto nito sa mga katabing komunidad.

Pinaalalahanan din ng naturang opisina ang publiko na umiwas sa mga lugar na malapit sa bulkan, dahil sa panganib na dulot ng panibago nitong aktibidad.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.