Nagbabala ang Office of the Civil Defense (OCD) sa publiko na huwag maniwala sa natatanggap na text messages na nangangako ng tulong pinansiyal o iba pang tulong sa ilalim ng pangalan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na madalas na ginagamit sa maling paraan ang pangalan o official SMS number ng NDRRMC na naglalaman ng mga kahina-hinalang links kayat pinayuhan nito ang publiko na huwag i-click ang anumang links maging ang mga mensahe na nagmumula sa isang official source.
Inihayag din ng ahensiya na istriktong ginagamit lamang ang NDRRMC SMS number para magpakalat ng mga alerto may kinalaman sa kalamidad at early warnings.
Kayat hindi ito ginagamit para sa pamamahagi ng ayuda, cash transfers o anumang personal transactions.
Nagbabala din ang OCD sa mga scammer na nagsasagawa ng fake donation drives o nagpapanggap na mga biktima ng bagyo na gumagawa ng mga kwento at nakaw na mga larawan para mangolekta ng mga donasyon o sensitibong datos.
Kaugnay nito, nananawagan ang ahensiya sa publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang mga mensahe sa National Telecommunications Commission (NTC) sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center at iberipika muna ang mga natatanggap na mensahe na may mga link o bago ibahagi ang anumang impormasyon.