-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Carlo Boneto Becera, Information Officer II ng Office of the Civil Defense (OCD)-Caraga, na walang naitalang nasawi o nasugatan dahil sa Bagyong Uwan, kahit na isinailalim sa storm signal no. 1 ang mga lalawigan ng Surigao del Norte at Dinagat Islands.

Ibinunyag ng opisyal na umabot sa 159 mga barangay ang binayo ng bagyo, na nakaapekto sa 37,026 na mga pamilya o katumbas ng 120,927 indibidwal.

Upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, 135 na mga evacuation centers ang binuksan, na tinutuluyan ng 5,948 pamilya kungsaan hindi pa kasama dito ang 9,588 pamilya na naapektuhan rin ngunit hindi lumikas.

Balik na rin sa normal ang paglalayag sa karagatan ng Siargao Islands at Dinagat Islands province habang cleared na rin ang mga kalsada sa mga barangay nitong lungsod ng Butuan na nakaranas ng landslide pati na sa iilang barangay sa Dinagat Islands.