Mga komunistang New People’s Army (NPA) ang itinuturong nasa likod ng panununog ng vote counting machine (VCM) at mga election paraphernalia sa Barangay Sta. Isabel, Jones, Isabela kaninang alas-6:20 ng umaga.

Ayon kay Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, nasa 200 na mga balota ang nasunog pero hindi na makakaapekto ito sa canvassing dahil tapos na itong mabilang.

Una rito, patungo na sana sa Jones Municipal Hall ang mga Board of Election Inspectors (BEIs) sa pangunguna ni Miss Arlyn Borromeo Santos nang bigla silang harangin ng mga armadong kalalakihan sa nasabing lugar na kilalang NPA infested areas.

Inihayag ni PNP chief na tila nagkaroon ng problema sa komunikasyon dahil walang security escort ang mga mga BEIs nang bumiyahe ang mga ito kaninang umaga.

Aniya, gagawan nila ng report ang insidente at kanilang isusumite sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinasabing hindi nagpaalam ang mga BEIs na sila ay bibiyahe na patungong munisipiyo kung saan gagawin ang canvassing ng mga balota.

Ayon kay Albayalde, batay sa kaniyang pagkakaintindi ay dapat na mga sundalo ang siyang magbibigay ng escort sa mga BEIs.

Samantala, nagpaliwanag ang pamununuan ng Northern Luzon Command (NOLCOM) kaugnay sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NOLCOM spokesperson Maj. Erickson Bulosan, mahigpit ang koordinasyon nila sa PNP.

Batay kasi sa napagkasunduan ng PNP at AFP, ang ise-secure na lugar ng mga sundalo ay ang mga barangay ng Dicamay 1, Dicamay 2, Namnamat at San Sebastian na mga liblib na lugar at may sightings ng komunistang grupo kaya ito ang naging sentro ng route security ng militar.

Pero ang lugar kung saan nangyari ang panununog ay hindi na area of coverage ng mg sundalo, kundi sa PNP na.