-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Mariing kinondena ng grupo ng mga mangingisda ang panukala ng Estados Unidos na magpapatayo ng ammunition production at storage facility sa dating naval base ng United States of America sa Subic Bay, Zambales

Sa interview ng Bombo Radyo, binigyang diin ni Joey Marabe, Vice President for Admin ng Panatag at provincial coordinator ng grupong PAMALAKAYA na magiging banta ito sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga mangingisda na dito lamang sila umaasa sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Maaari aniyang ikasira ng mga bahura ang nais mangyari ng dayuhang bansa dahil sa iinit ang temperatura ng dagat sakaling magkaroon ng pasilidad sa nasabing lugar.

Matatandaan na nagpatayo ng warehouse ang United States (US) Marine Corps sa Naval Supply Depot sa loob ng Subic Bay Freeport noong Pebrero na ayon kay Marabe ay nagkaroon ng masamang epekto sa kanilang kabuhayan.

Panawagan ng mga ito na dapat magkaroon muna ng malawakang konsultasyon at pag-aralan ng mabuti ang nasabing panukala.

Hindi dapat aniya magpalinlang ang pamahalaan dahil sa tingin nila ay magkakaroon ng malawakang epekto hindi lamang sa kanilang kabuhayan kundi maging sa marine biodiversity sa lugar sakaling matuloy ang panukala ng US.