-- Advertisements --

Nababahala ang Department of Labor and Employment sa nagpapatuloy na welga ng mga miyembro ng unyon sa isang motor company.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, nakakaapekto sa mga manggagawa at kompanya ang mahigit isang buwan nang strike sa Kawasaki Motors Philippines Corporation.

Umaasa raw ang kalihim na magkakasundo ang dalawang panig sa pamamagitan ng National Conciliation Mediation Board at magkaroon ng kasunduan na aayos sa kanilang Collective Bargaining Agreement deadlock.

Ayon naman sa KMPC, makatarungan at competitive ang pasahod at benepisyong ibinibigay nila sa mga empleyado kahit na naaapektuhan na ang operasyon ng planta.

Sa kasalukuyang collective bargaining negotiations, nag-alok ang KMPC ng 5% taunang dagdag-sahod.

11.5% increase naman ang inihihirit na umento ng Kawasaki United Labor Union.

Sinabi ng kompanya na kapag naipatupad pa ang panukalang 5% umento ay papalo sa halos P40,000 kada buwan ang magiging sahod ng mga rank-and-file na manggagawa.

Bukod pa anila ito sa ibinibigay na benepisyo, healthcare, allowances at mga leave na mas mataas kumpara sa itinakda ng batas.

Sinabi naman ni Laguesma na ngayong araw ay magkakaroon ng panibagong pag-uusap tungkol sa isyu pero hindi pa inirerekomenda ang Assumption of Jurisdiction para makapanghimasok siya sa kaso.