Tiniyak ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) na mayroon na silang leads na sinusundan para matiyak na makakamit din ang hustisya sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa lalong madaling panahon.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Romeo Macapaz, hindi man sigurado kung kailan malulutas ang kaso ay magpapatuloy ang mga otoridad sa pagkalap pa ng mga impormasyon na magiging malaking tulong para mabugyang linaw ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay matapos na sunod-sunod na dumulog sa kanilang himpilan ang mga naiwang kamag-anak ng mga biktima na hindi umano’y itinapon sa Taal Lake.
Ani Macapaz, hindi sila magiging padalos-dalos sa imbestigasyon upang matiyak na masisislip ang lahat ng impormasyon para sa mas mabilis na pagresolba sa kaso.
Hindi naman na muna nagbigay ng iba pang impormasyon ang hepe ng yunit para hindi rin aniya masayang ang kanilang pinaghirapan sa pagkalap ng mga impormasyon na makakatulong sa pagusad ng naturang kaso.
Sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang kanilang hanay na kumalap ng mga matitibay pang ebidensya nang hindi lamang nakabase sa mga salaysay at testimoniya ni alyas ‘Totoy’.
Samantala, nasa ikatlong araw naman na ang retrieval operations sa Taal sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan sa kabuuan ay limang sako na ang narekober sa magkakaibang araw.