-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasawi ang isang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) habang dalawang sundalo naman ang sugatan sa engkuwentro na nangyari sa Sitio Bendum, Brgy. Busdi, Malaybalay City, Bukidnon.

Bago ito, natunton ng mga tauhan ng 8th Infantry Division, Philippine Army ang lokasyong ipinagbigay alam ng mga sibilyan kung saan namataan ang nasa 15 miyembro ng NPA, na nauwi sa bakbakan kalaunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battalion commander, Lt. Col. Ferdinand Barandon, nagsagawa ng combat operation ang tropa nila nang nagsumbong ang ilang mga sibilyan ukol sa presensiya ng mga rebelde.

Ayon sa opisyal, nakasagupa ng kanilang tropa ang mga miyembro ng Sentro De Grbaidad Dario ng Guerilla Front 89 ng North Central Mindanao Regional Command ng ilang minuto na nagresulta sa pagkasawi ng isang rebelde.

Hinabol nila ang mga tumakas na rebelde kaya muling nagka-engkuwentro at nasugatan ang dalawang sundalo na agad dinala sa pagamutan.

Narekober mula sa dalawang encounter sites ang M-16 rifle ng napatay na rebelde, personal na kagamitan at mga dokumento ng kilusan.