CEBU – Aabot sa 200 na Personal Protective Equipment (PPE) ang magagawa bawat araw ng isang non-goverment organization bilang tugon sa kakulangan ng PPE sa iilang mga hospital sa Cebu at ibang bahagi ng Pilipinas.

Sinabi ni Dr. Jessielito Simporios ang Mission Director ng All-Terrain Medical Relief Organization sa panayam ng Bombo Radyo Cebu na libre nilang ipamamahagi ang naturang PPEs sa frontliners sa iba’t ibang mga hospital sa bansa.

Ayon pa nito na naisipan nila na gawin ang naturang hakbang upang makatulong sa kakulangan ng mga personal protective equipment sa bansa. Kaugnay nito, target ng grupo na lalagpas ng 200 na PPEs ang kanilang magagawa sa isang araw.

Ngunit sa ngayon, limitado pa umano ang kanilang manpower dahil na rin sa ipinapatupad na social distancing. Pansamantala rin umanong hihinto ang grupo sa paggawa ng naturang kagamitan samantalang naghahanap pa sila ng malaking lugar para sa production.

Dagdag pa nito na pinaplantsa na rin nila ang iba pang kinakailangan para sa mass production ng improvised PPE sa oras na makakahanap na sila ng malaking espasyo.

Bukas din ang grupo para sa mga gustong matutong gumawa ng personal protective equipment upang mas marami pa ang makakabuo nito lalung-lalu na sa ngayon na nasa banta ang bansa sa coronavirus disease.

Nabatid na aprubado sa Department of Health at rehistrado rin sa Bureau of Internal Revenue at Security Exchange Commission ang naturang produkto na gawa sa waterproof at recyclable materials.

Sa ngayon nanawagan ang grupo ng karagdagang volunteers para sa produksiyon ng nasabing PPEs at tumatanggap din umano sila ng pondo bilang donation para pambili pa ng materyales para sa naturang mga PPEs.