Ibinasura ng Court of Tax Appeals (CTA) ang kahilingan ng Norconsult Management Services Phils., Inc. para sa P11.7 milyong tax refund mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa taong 2019.
Sa desisyong inilabas noong Hunyo 30, sinabi ng CTA na hindi na maaaring i-refund ang nasabing halaga dahil pinili na ng kumpanya ang “carry-over” option, na ayon sa batas ay hindi na maaaring bawiin.
Ayon sa Section 76 ng National Internal Revenue Code (NIRC), ang pagpili sa carry-over ng sobra at hindi nagamit na creditable withholding taxes (CWTs) ay irrevocable o hindi na mababawi para sa nasabing taon, at hindi na maaaring humiling ng refund o tax credit certificate.
Bagamat kinilala ng CTA na naisumite ng Norconsult ang petisyon sa tamang panahon, nakita sa kanilang Annual Income Tax Return (AITR) para sa 2019 na ang kabuuang sobra at hindi nagamit na CWTs na P44.88 million, kabilang na ang P11.7 million na pinagtatalunang halaga, ay isinama bilang “Prior Year’s Excess Credits” sa kanilang AITR para sa 2020.
Dahil dito, ayon sa CTA, malinaw na pinili ng Norconsult ang carry-over option, kaya’t nawalan ito ng karapatang humiling ng cash refund para sa nasabing halaga.