-- Advertisements --

Naghain ng panibagong ‘tax evasion’ sa Department of Justice ang Bureau of Internal Revenue laban sa contractor sangkot sa anomalya ng flood control projects.

Personal na dumating sa kagawaran si Internal Revenue Comm. Charlito Martin Mendoza upang sampahan ng reklamo partikular ang may-ari ng Wawao Builders na si Mark Allan Villamor.

Ang nabanggit kasing indibidwal ay ang siyang ‘sole proprietor’ ng naturang construction company may kinalaman sa ghost flood control project sa Malolos City, Bulacan.

Ayon kay Comm. Charlito Martin Mendoza ang paghahain ng reklamong ‘tax evasion’ ay nag-ugat sa hindi nito pagbabayad sa buwis na aabot ng P48.39 million.

Nabigyan aniya ito ng kontrata para gumawa ng flood control project o river infrastructure protection sa Bulacan noong 2024.

Dagdag pa ng naturang commissioner, sa kabila nang maibigay sa kontratista ang pondo o bayad ay wala namang makikitang natapos o nagawang proyekto.

Kung kaya’t dahil sa wala namang ginawa o ‘non-existent’ ang flood control project ay maituturing aniyang ‘fictitutious’ o gawa-gawa lamang ang mga idineklarang ginastos sa pagpapatayo ng proyekto.

Dahil rito’y binigyang diin ni Internal Revenue Comm. Mendoza na ang hakbang ito ay bilang pagpapakita na seryoso ang kanilang kampanya kontra korapsyon sa flood control projects.