-- Advertisements --

NAGA CITY – Ikinokonsidera ng Philippine Coast Guard (PCG)-Camarines Sur na magkaroon ng munting salu-salo kasama ang mga stranded passengers mamayang hatinggabi sa pagsalubong sa Kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ens. Bernardo Pagador Jr., station commander ng PCG-CamSur, sinabi nitong makikipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan ng Pasacao hinggil sa nasabing handaan.

Ayon kay Pagador, nais nilang mabigyan ng kasiyahan ang mga istranded na pasahero kahit sa simple lamang na selebrasyon.

Sa ngayon, mahigit 100 katao na ang stranded sa Pasacao Port na pawang patungog Masbate at Quezon.

Ayon kay Pagador, inaasahan na nila na mas lolobo pa ang bilang ng mga stranded passengers sa mga susunod na oras.

Samantala, naka-red alert status na ang buong lalawigan at una nang ipinag-utos ni CamSur Gov “Migz” Villafuerte ang mandatory preemptive evacuation sa mga high risk areas bago mag-alas-2:00 ng hapon.

Sa ngayon, nananatili sa ilalim ng signal No. 1 ang lalawigan dahil sa epekto ng Bagyong Ursula.