-- Advertisements --

Sunod-sunod na tumaas ang antas ng tubig sa ilang mga dam sa Luzon dahil sa mga serye ng pag-ulan dulot ng umiiral na habagat at bagyong Bising.

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST-PAGASA) weather specialist Juan Paolo Pamintuan, malalaking volume ng tubig ang naidagdag sa pinakamalalaking dam sa bansa tulad ng Ambuklao Dam, Magat Dam, Pantabangan Dam, at San Roque dam dahil sa malawakang pag-ulan.

Nairehistro ng San Roque Dam ang pinakamataas na pag-angat ng antas nito na umabot sa halos 70 centimeters sa loob lamang ng 24 oras.

Halos maabot na rin ng Ambuklao Dam ang normal high water level nito na 752 meters matapos tumaas ang tubig nito sa halos 40 centimeters sa nakalipas na 24 oras.

Sa kasalukuyan, nagpapakawala na ang naturang dam ng mahigit 40 cms ng tubig matapos nitong buksan ang isang floodgate kaninang umaga (July 4).

Ayon kay Pamintuan, inaasahang magpapatuloy pa rin ang pagtaas ng tubig sa ilang mga dam dahil sa patuloy na pag-ulang dulot ng umiiral na weather system.

Samantala, nananatiling mababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam, ang pangunahing nagsusuply ng malinis na tubig sa National Capital Region at mga karatig-probinsya.

Ayon pa rin kay Pamintuan, sa kabila ng mga pag-ulan sa watershed ng naturang dam ay nagrehistro pa rin ito ng 15 centimeters na pagbaba sa nakalipas na 24 oras.

Sa kasalukuyan, nasa 194 meters ang lebel ng tubig ng naturang dam. Ito ay 16 meters na mas mababa kumpara sa normal high water level nito.