-- Advertisements --

Pinaalalahanan na ng state weather bureau ang mga residente sa coastal areas at flood-prone areas na magsagawa ng preemptive evacuation bago pa man ang inaasahang pananalasa ng bagyong Uwan.

Sa press briefing ng Department of Science and Technology (DOST-PAGASA) ngayong araw, hinimok ni Administrator Nathaniel Servando ang mga mamamayan at mga lokal na pamahalaan na huwag nang hintaying maramdaman ang inisyal na hagupit ng bagyo bago pa lumikas.

Aniya, isang mapanganib na sama ng panahon ang bagyong Uwan dahil sa malakas na hanging dala nito habang ang sirkulasyon ay umaabot pa sa mahigit 700 kilometers.

Dala ng naturang bagyo ang torrential rains, ‘destructive wind’, at storm surge.

Ang lahat ng ito aniya ay inaasahang magdudulot ng matinding pagbaha, malawakang pagguho ng lupa, at matataas na daluyong na posibleng umabot pa sa mga kabahayan.

Ayon kay Servando, mataas ang banta ng bagyo sa buhay at sa ari-arian, kaya’t mas mainam na maagang lumikas bago pa maramdaman ang pagbayo ng naturang sama ng panahon.

Binigyan-diin ng state weather bureau chief na ang maagang paglikas ay susi para mapigilan o maiwasang magkaroon ng casualties, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng malakas na bagyo.

Tiniyak din nito ang paglalabas ng akma, tama, at napapanahong impormasyon ukol sa bagyo bilang gabay sa mga mamamayan.