Naghahanda na para sa posibleng epekto ng Bagyong Ramil ang local na pamahalaan ng Quezon City ayon sa kanilang QC Disaster Risk Reduction management Office (DRRMO).
Ayon kay QC PDRRMO Spokesperson Peachy de Leon, bilang paghahanda sa bagyo ay nagsagawa na sila ng mga preemptive evacuation sa bahagi ng Brgy. Tatalon matapos na iangat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Signal no.2 sa buong lungsod.
Ayon kay De Leon, nagumpisa ang kanilang mga paghahanda nitong Biyernes sa pamamagitan ng pre-disaster risk assessments katuwang ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.
Paliwanag pa niya, mayroong tatatlong staging areas ang lungsod sa mga distrito sa District 1, 4 at maging mismong sa gusali ng kanilang DRRMO Office.
Sa ngayon, wala pa naming naiuulat na mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ngunit minabuti na nilang magsagawa ng mga preemptive evacuation upang matiyak na magiging ligtas ang mga pamilyang posibleng maapektuhan nito.
Samantala, patuloy naman na nakamonitor ang local na pamahalaaan ng Quezon City sa mga flood-prone areas ng lungsod maging sa lebel ng tubig sa apat na waterways nito Lalo na’t nakataas na ang unang alarma sa Las Mesa dam.