Posibleng maging isang ganap na bagyo ang namataang low pressure area (LPA) sa Timog na bahagi ng Mindanao ayon yan sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Huling namataan ang namumuong sama ng panahon sa layomng 1,130 km silangan ng Southern Mindanao at nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, inaasahan na papasok sa PAR ang LPA ngayong araw at posibleng maging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras.
Kung sakali mang pumasok at maging ganap na tropical depression ay papangalanan ito na Bagyong Verbena na posibleng makaapeto sa malaking bahagi ng Visayas, Southern Luzon at Mindanao.
Samantala, ang extension naman ng mismong LPA ay kasalukuyan nang nakakaapekto sa ilang mga lalawigan at rehiyon gaya ng Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Eastern Visayas at maging sa Bohol.
Inaasahan na ito ay magdadala ng mga maiitim na ulap, panaka-nakang ulan at kasalukuyan na ring inalarma ang mga residente sa mga nabanggit na rehiyon para sa posibilidad na magkaroon ng mga pagbaha at landslides bunsod ng katamtaman hanggang malalakas na pagulan.
















