-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na asahan na ang maulang paggunita sa Undas ngayong Nobyembre partikular na sa malalawak na bahagi ng Luzon.

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Leanne Marie Loreto, makakaranas ng katamtaman hanggang malalakas na pagulan ang bahagi ng Palawan bunsod ng pamumuo ng posibleng low pressure area (LPA) sa West Philippine Sea.

Asahan din ang katamtaman hanggang malalakas na pagulan sa Hilagang bahagi ng Luzon partikular na sa Batanes dala naman ng umiiral na Hanging Amihan sa bansa.

Ganito rin ang mararanasang ng ilang mga probinsiya partikular na ang Cagayan, Isabela at Aurora dulot naman ng shear line.

Samantala, inaasahan naman na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), LPA at shear line ang mga pangunahing dahilan kung bakit uulanin ang malalaking bahagi ng bansa na siyang posibleng maranasan hanggang sa susunod na tatlong araw.