-- Advertisements --

Inaasahang magiging maulap at maulan ang pagsalubong ng Bagong Taon sa ilang lugar sa bansa dahil sa shear line, amihan, at easterlies, ayon sa state weather bureau.

Bukas, bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, magdadala ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Quezon at Camarines Norte.

Ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may panaka-nakang mahinang ulan dahil sa amihan.

Maulap na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms naman ang iiral sa natitirang parte ng Bicol Region, Northern at Eastern Samar, at Palawan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa easterlies.

Pagsapit naman ng mismong bagong taon, Enero 1, 2026, patuloy ang ulan sa Aurora at Quezon dulot ng shear line.

Mananatili naman ang mahinang pag-ulan sa Ilocos Region, CAR, at Cagayan Valley dahil sa amihan, habang maulan pa rin sa Bicol Region. Ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms.

Babala ng weather bureau na maaaring maranasan ang katamtaman hanggang malakas na hangin sa Northern Luzon na magdudulot ng maalong dagat, habang mahina hanggang katamtaman ang hangin at bahagya hanggang katamtaman ang alon sa iba pang lugar.