Target ng Senado na makalipat sa New Senate Building sa Taguig sa kalagitnaan ng 2027.
Ayon kay Senate Committee on Accounts Chaiman Senador Alan Peter Cayetano mas maaga dapat ang orihinal na plano ng paglipat pero nausog nang kaunti dahil sa mga kailangang ayusin bago tuluyang maumpisahan ang paglipat.
“N’ung una, ang gusto ko nga first quarter ng 2027. But y’ung negotiations, bidding, pag-aayos ng mga opisina [had to be considered],” aniya.
Kaya ngayon, ang target na ay kalagitnaan ng 2027.
“We’re [now] really trying for the middle of 2027. We’re playing safe na last quarter ng 2027, kaya lang ayaw naman natin dumoble ang gastos ng lahat, pati ng mga senador [kung aabutin pa ng] 2028,” dagdag ng senador.
Paglilinaw ng mambabatas, aabutin ng ilang buwan ang paglilipat dahil sa dami ng mga opisina at dokumento ng Senado.
“Y’ung lipat na ‘yan, six months to one year,” aniya.
“Sa dami nga [ng kailangan ilipat] sa Senate, records, et cetera, hindi ito parang lipat-bahay na tanggalin mo lahat, lipat mo,” paliwanag niya.
Unang plinanong tapusin noong 2021, dinisenyo ang NSB para mabigyan ng permanente at modernong tahanan ang Senado na hanggang ngayon ay rumerenta lamang sa isang gusali ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Pasay.
Kasama rin sa aasikasuhin ni Cayetano ang kontrata ng Senado sa GSIS para masigurong may opisina pa rin ang mga senador habang hindi pa tapos ang bagong gusali.
“Kasama sa trabaho ko before Monday is y’ung kontrata namin sa GSIS para hindi tayo mawalan ng opisina habang hindi pa tapos y’ung building,” ayon kay Cayetano.
Malapit na rin aniyang matapos ng kanyang komite ang pinakahuling technical report ng gusali.